Dahil sa SPES, Anak ng karpintero, naging inhinyero

Date Posted: July 22nd, 2014 03:13 AM

Si Benjames Tinerife Go ay mula sa lilblib na lugar ng Sitio Olo, Barangay Danicop, Virac Catanduanes.

Ang kaniyang ama ay isang karpintero at kumikita ng mula P300 hanggang P400 kada araw. Ang kaniyang ina naman ay isang maybahay.

Sa kaniyang pagkabata, hindi kaila kay 'Benjie' ang hirap ng buhay. Mahirap ang kaniyang pamilya at tanggap niya ang krus na binabalikat ng kaniyang mga magulang.

"Mahirap po talaga ang buhay namin. Nakita ko po na kahit anong pagsisikap ng tatay ko, talagang hindi magkasya para sa aming araw-araw na pangangailangan ang kinikita niya. Kaya po ako mismo, nagsikap at naghanap ng maaaring makatulong sa aking pag-aaral," ani Benjie.

Masipag mag-aral, nakapagtapos si Benjie ng high school at nagbalak na kumuha ng karera sa engineering. Nagtrabaho siya sa tulong ng SPES, o Special Program for the Employment of Students.

Sa loob ng apat na taon, naging SPES 'baby' si Benjie. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Science in Civil Engineering sa Catanduanes State College sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa SPES.

"Sa tulong ng Public Employment Service Office ng Virac at ng DOLE Provincial Office sa kapitolyo ng Catanduanes sa pamumuno ni Rosemarie R. Cleofe, nakapagtapos ako ng karera.

Hindi kaagad nakakuha ng licensure examination si Benjie kasi wala siyang pambayad sa review.

"Eh, kahit nga pambayad sa licensure examination ay nahirapan pa kami, 'yun pa kayang pambayad sa review?," kuwento ni Benjie.

Ngunit dahil likas na matalino at masipag mag-aral, kumuha siya ng licensure examination kahit walang review at nakapasa. Napasama pa siya sa Top 10.

Si Engr. Benjames T. Go ay nagtatrabaho na ngayon, ngunit ang sabi niya, hindi niya makakalimutan ang SPES.

"Ang ganda ng SPES. Talagang malaking tulong ang ginagawa ng DOLE na pagtrabahuin ang mahihirap na estudyante ko na may suweldo. Kung walang SPES, hindi siguro ako magiging civil engineer," sabi niya.

Isa lamang si Benjie sa libo-libong mahihirap na kabataan na natulungan ng SPES makataos ng pag-aaral at makapagtrabaho.

Ang SPES ay nagbibigay ng tulong-pinansyal at kasanayan sa trabaho sa mahihirap na mag-aaral upang kung matapos sila ng pag-aaral ay may karanasan na sila na magagamit para mas madali ang paghanap ng trabaho.

Mula sa 84,786 estudyante noong 2010, lumaki ng 94.9 porsiyento ang bilang ng mga nabiyayaan ng SPES at umabot sa 165,271 poor but deserving students sa pagtatapos ng Disyembre 2013.

"Sa unang Labor Day Message ng Pangulo, iniutos niya ang malaking dagdag na pondo para sa SPES mula P162,779,500 noong 2010 tungo sa P491,488,000 sa taong 2014, or 201 porsiyentong pagtaas. Kung matutulungang magka-trabaho ang mga kabataan, idad 15-24 na may natapos na kurso na kulang sa on-the-job training o mga out- of-school youth, matutugunan ang 50 porsiyento unemployment problem ng bansa," pahayag ni Baldoz.

END

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo