POEA nagbabala sa iligal na relasyong sekswal sa UAE

Date Posted: September 15th, 2017 02:00 PM

Maituturing na krimen sa United Arab Emirates (UAE) ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal.

 

Ito ang babala na inilabas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga Pilipinong manggagawa sa UAE.

 

Sa abisong inilabas ng POEA, ang mga babae at lalaki na magkarelasyon at nagpaplanong manirahan ng magkasama o maglive-in ay dapat na magpakasal muna bago sila maaaring tumira sa nasabing bansa bilang mag-asawa.

 

Bilang isang bansang Muslim na sakop ng Sharia Law, itinatakda ng UAE na ang pagsasama ng magkasintahang hindi pa kasal ay iligal at pinapatawan ng parusang tatlo hanggang anim na buwang pagkakakulong at posibilidad ng deportasyon.

 

Iniulat ng Philippine Consulate sa Dubai na mayroong ilang mga dayuhang magkasintahan, kabilang ang mga Pilipino, ang nakakulong ngayon dahil sa paglabag sa nasabing batas.

 

Sinabi pa ng konsulado na nakatanggap ito ng ilang kahilingan para sa repatriation ng mga Pilipino sa Dubai at Hilagang Emirates na may mga anak ngunit hindi kasal. Naniniwala sila na maaaring mai-endorso ng konsulado ang kanilang kaso sa Dubai Immigration nang hindi sila nakukulong, subalit hindi naidadaan sa negosasyon ang isyu ng imoralidad sa ilalim ng UAE penal system.

 

Mahigpit na ipinagbabawal sa nasabing bansa ang pagbubuntis at panganganak nang hindi kasal kung saan may kaakibat itong parusa ng hanggang anim na buwang pagkakakulong, deportasyon, at panghabangbuhay na ban.

 

Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon silang ibinibigay na Legal Assistance Fund upang makatulong sa mga overseas Filipinos na nagkakaroon ng kaso upang mayroon silang panggaston sa korte, bail bond at iba pa. Gayunman, ang maaari lamang makakuha ng tulong ay ang mga Pilipinong inakusahan ng pagpatay o iba pang kaso na mayroong parusang panghabangbuhay na pagkakakulong o kamatayan.

 

#Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo